Aminado si Isabela Gov. Rodolfo Albano III na ikinagulat nila ang matinding pagbaha sa probunsya bunsod ng Bagyong Ulysses.
Sinabi ni Albano na handa naman sila sa mga pagbaha pero hindi sa magnitude ng tubig na idinulot ng nagdaang bagyo.
Apat na dekada na ang nakalilipas nang huli aniya nilang maranasan ang matinding pagbaha sa kanilang lalawigan.
Ayon kay Albano, kalahati ng probinsya ang lubog sa baha dahil sa Bagyong Ulysses.
Sa ngayon, ilang bahagi na lamang aniya ng lalawigan, partikular na sa unang distrito, ang lubog pa rin sa baha.
Bago pa man tumama sa lupa ang Bagyong Ulysses, sinabi ni Albano na nakatanggap na sila ng babala hinggil sa pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam, na nagresulta sa matinding pagbaha sa Cagayan Valley region.
Limang bagyo kasi ang nagdulot ng mga pag-ulan sa nakalipas na dalawang buwan sa Luzon, na siyang dahilan kung bakit binuksan ng pamunuan ng Magat Dam ang dalawa sa kanilang gates sa taaas na apat na metro upang sa gayon maiwasan din na umabot sa critical level ang reservoir.