Pinuri ng mga matataas na opisyal ng Cebu ang naging unang State of the Nation Adress (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na anila ay komprehensibo at nag-aalok ng mga konkretong plano.
Inilarawan ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia ang SONA ng Pangulo bilang “very comprehensive”.
Dagdag pa ni Garcia na naaayon pa umano sa direksyon ng Cebu ang pangkalahatang plano ni Marcos.
Higit sa lahat, nangunguna rin umano ang Cebu na nasa isip ng pangulo sa usaping imprastraktura.
Sa panig naman ni Talisay City Mayor Samsam Gullas, nasasabik din ito sa mga plano ni Marcos para sa bansa sa kanyang anim na taong termino.
Ipinunto ni Gullas na makikinabang sa sektor ng agrikultura at turismo ang wala nang lockdown at programa sa imprastraktura ni Marcos.
Sinabi naman ni Lapu-lapu City Mayor Junard Chan na tumagos sa isip at puso nito ang magagandang plano ni Marcos para sa mga Pilipino katulad ng tatak na serbisyo na ipinaabot nito sa kanyang nasasakupan.
Sa naging SONA nga ng Pangulo, inatasan nito ang Department of Transportation na ipatupad ang iba’t ibang mga proyekto upang mapaunlad ang sistema ng transportasyon sa bansa sa mas mabilis na paraan para mapaunlad ang ekonomiya.