Hinikayat ni Sen. Bong Go ang law enforcement agencies, partikular ang Philippine National Police (PNP) at ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na pagbutihin ang inter-agency coordination.
Kasunod ito ng engkwentro sa pagitan ng mga tauhan ng PNP at PDEA na nagresulta sa pagkasawi ng apat na katao.
“Importante po dito ang koordinasyon dahil puro naman ‘yan magkakakilala. So dapat ang close coordination between law enforcement agencies ay paigtingin pa po,” ayon sa pahayag ni Go sa isinagawang monitoring visit sa Malasakit Center sa Region 1 Medical Center sa Dagupan City, Pangasinan.
Nagpahayag din si Go ng kahandaang suportahan ang anumang panukala na makatutulong para maiwasan ang kahalintulad na insidente.
“Kung kailangan ng batas, I am willing to support. ‘Wag lang po mangyari ang mga ganitong aksidente,” dagdag ni Go.
Labis aniyang nalungkot si Pangulong Rodrigo Duterte sa nangyari.
“Tumatawa po ang mga durugista na ito. Hindi po ang PDEA o law enforcer ang dapat nakabulagta doon. Ang dapat pong nakabulagta doon, ‘yung mga drug dealer,” sinabi pa ng senador.
Ayon kay Go, iniutos na ni Pangulong Duterte ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation sa nangyari.
Ito ay para lumitaw aniya ang katotohanan at upang malaman ng publiko.
“Kailangan natin malaman ang katotohanan para ‘di na po mangyaring muli ang napakasakit na unfortunate incident na ito na napakasakit pong isipin na puro pa law enforcement agencies ang nagbabarilan,” paliwanag ni Go.
Kapwa naman nangako ang PNP at PDEA na makikipagtulungan sa imbestigasyon.
Magugunitang nasawi ang dalawang pulis isang PDEA agent at isang PDEA informant sa insidente.
Kapwa ikinalungkot nina PNP chief Gen. Debold Sinas at PDEA Director General Wilkins Villanueva ang nangyari.
Apela naman ni Go sa publiko, hintayin ang resulta ng imbestigasyon at iwasan ang mga spekulasyon.
“Hindi natin inakala na mangyayari at ‘di natin inaasahan na mangyayari dahil ito po ay dalawang law enforcement agencies na lumalaban sa droga,” ayon pa kay Go.
Kasabay nito tiniyak ng senador na patuloy ang kanilang suporta i Pangulong Duterte sa law enforcers
“Kami po ni Pangulo, full support kami sa pulis, full support kami sa PDEA. Kapag nagkakaso sila in line of duty, susuportahan namin sila. Ayoko na po magbigay ng komento. Hintayin na po natin (ang resulta ng imbestigasyon),” sabi pa ni Go.