Asahan ang malakihang umento sa presyo ng mga produktong petrolyo bukas.
Ayon sa mga energy sources, ang diesel ang may pinakamalaking umento na aabot sa P6.00 hanggang P6.20 kada litro.
Ang gasolina naman ay mayroong taas presyo na papalo sa P1.20 hanggang sa P1.40 kada litro.
Habang sa kerosene ay mayroong oil price increase na P3.50 hanggang P3.70 kada litro.
Karaniwang inaanunsiyo ng mga oil companies ang price adjustment tuwing Lunes at ipinatutupad naman sa araw ng Martes.
Una rito, sinabi ni Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad ang pangunahing rason daw sa pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo ay ang pagputol ng Organization of Petroleum Exporting Countries Plus coalition sa oil production ng 2 million barrels bilang suporta sa bumababang presyo ng petrolyo dahil sa aggressive interest rate hikes ng Estados Unidos.
Ang pinakahuling price movements ay nagdala naman sa year-to-date adjustments na net increase ng P14.45 kada litro ng gasolina, P28.95 sa kada litro ng diesel at P23.25 sa kada litro ng kerosene.