-- Advertisements --

Ginisa ni Sen. Francis Tolentino ang Office of the Solicitor General dahil sa hinihingi nitong halos P40 million para sa travel allowances at intelligence funds sa gitna ng coronavirus pandemic.

Ipinagtataka rin ng senador kung bakit si Solicitor General Jose Calida ang ikalawang highest-paid public official sa bansa.

Kaliwa’t kanan ang naging kwestyon ni Sen. Tolentino habang sinusubukang harangin ang approval ng Senate finance committee para sa proposed P1.1 billion budget ng Office of the Solicitor General (OSG) sa 2021.

Sinabi pa ni Tolentino na hindi kasama sa mandato ng OSG ang pagsali sa preliminary hearings at fact-finding investigation ng mga kasong kriminal.

Aniya ilang beses na umanong pinagsabihan ng Commission on Audit (COA) ang OSG dahil sa pagbibigay nito ng sobra-sobrang allowances sa kanilang mga opisyal na malinaw umanong labag sa umiiral na patakaran ukol sa pagbibigay ng mga nabanggit na benepisyo.

Dagdag pa ng senador, di-hamak na mas malaki pa ang kinikita ni Calida kumpara sa dating Solicitor General na si Francis Jardeleza.

“Did your budget increase? Are there allowances being distributed by the [OSG] pursuant to your mandate that only went to Calida?” tanong ni Tolentino.

Batay sa datos ng COA, kumita ng P16.95 million si Calida noong 2019 at siya lamang ang nonbanker na kabilang sa top 10 government officials na may pinakamataas na sahod.

“From what I understand, [Calida] receives allowances from the client-agencies for the [OSG’s] legal services,” sagot naman ni Assistant Solicitor General Henry Angeles. “It is provided under the law that created or strengthened the OSG. It is also found under the Administrative Code of 1987.”

“COA has been asking you not to raise that to more than 50 percent and apparently the solicitor general has defied the COA memorandum … Remember that COA is a constitutional body,” dagdag pa ng senador.

Magugunita na si Calida ang nanguna sa pagpapatalsik kay dating chief justice Maria Lourdes Sereno at pagpapasara sa ABS-CBN.