sal panelo spokesman
Sec. Salvador Panelo

Inaasahan na ng MalacaƱang ang papanatili ng mataas na trust at approval rating ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa mga ginagawang pagbabago sa pamahalaan at pagbibigay serbisyo sa taumbayan.

Reaksyon ito sa pinakahuling resulta ng Pulse Asia survey na nagsasabing si Pangulong Duterte pa rin ang pinakapinagkakatiwalaang opisyal ng pamahalaan matapos makakuha ng 85 percent na trust at approval rating.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, nakikita talaga ng publiko ang sinseridad at “political will” ni Pangulong Duterte sa mga ipinatutupad na polisiya o patakaran.

Ayon kay Sec. Panelo, ang mataas na trust at approval rating ni Pangulong Duterte ay nagpapatunay lamang na mali at walang basehan ang mga kritikong patuloy na bumabanat sa administrasyon lalo na sa isyu ng paglaban sa iligal na droga at pagharap sa problema sa West Philippine Sea.

Inihayag ni Sec. Panelo dahil sa patuloy na pagtitiwala ng publiko ay mapapanatili ni Pangulong Duterte ang kanyang mataas na trust at approval rating hanggang sa matapos ang kanyang termino sa 2022.