BAGUIO CITY – Sumuko na sa mga otoridad ang pinaniniwalaang mataas na opisyal ng Ilocos-Cordillera Regional Committee (ICRC) ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa Kin-way, Besao, Mountain Province.
Personal na iniharap sa media ni National Security Adviser at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Vice Chairman Hermogenes Esperon Jr. ang nasabing indibidwal na si Anne Margarette “Annie” Tauli, 70-anyos, pinaniniwalaang chairman ng ICRC Finance Committee, dating kalihim ng ICRC Regional White Area Committee, miyembro ng ICRC Executive Committee at asawa ni Julius Soriano Giron na overall chairman at National Military Commission chair ng CPP-NPA.
Maaalalang napatay sa operasyon ng mga pulis at militar si Giron at dalawang kasapi ng grupo nito sa Baguio City noong March 13, 2020.
Sinabi ni Esperon na sinundo ng military helicopter si Tauli sa Besao, Mountain Province at payapa itong sumama sa mga sumundong pulis at militar para sa kanilang pagbiyahe patungo ng Baguio City.
Taliwas ito sa pahayag ng mga militanteng grupo na isinakay o kinuha na lamang ng military helicopter si Tauli.
Sa pagharap ni Tauli sa media, sinabi niyang sumuko siya para linisin ang kanyang pangalan mula sa mga sinasabing koneksiyon niya sa komunistang grupo.
Giit niya na isa siyang ‘law abiding citizen’ sa Besao sa mga nakaraang taon.
Sinabi ni Esperon na sa paglilinaw ni Tauli ay nagsilbi lamang itong provider ng pagkain at kanlugan kay Giron at iba pang matataas na opisyal na CPPA-NPA-NDF.
Paliwanag ni Esperon, ang pagkakanlong ni Tauli sa mga kaaway ng estado ay may katumbas na pananagutan dahil paglabag ito sa batas ng Pilipinas.
Dinagdag niya na ang pagsuko ni Tauli ay pinadali ng kapatid nito na si dating UN Special Rapporteur on the Rights of Indigenous Peoples Victoria Tauli-Corpuz.
Ayon pa sa kanya, ang ginawang pagbabalik loob ni Tauli ay magandang pagpapakita ng suporta sa kampanya ng Duterte Administration para matapos na ang 50-taon na pagrerebelde.
Dapat din aniyang magsilbing encouragement sa iba pang rebelde ang ginawa ni Tauli para sa pagsuko na rin ng mga ito.
Sasailalim si Tauli para sa pag-availe nito sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program.