Nananatiling nangunguna sa mga pangunahing suliranin ng mga Pilipino ang mataas na presyo ng mga goods and services sa bansa na dulot naman ng inflation.
Batay ito sa resulta ng isinagawang March 2024 Ulat ng Bayan survey ng Pulse Asia kung saan tinanong ang mga respondents ng tatlong mga suliranin o isyu na kinakailangang agad na tugunan ng pamahalaan.
Nanguna rito ang pag-kontrol sa inflation at pagtugon sa tumataas na presyo ng basic commodities sa bansa na nakapagtala ng 70% mula sa mga respondents.
Pumangalawa naman ang taas sahod para sa mga manggagawa na mayroong 36%, at pumangatlo naman ang paglabag sa graft and corruption sa ating gobyerno na mayroong 26%.
Samantala, bukod sa mga ito ay binanggit din ng mga respondents sa naturang survey ang iba pang mga suliraning kailangang tugunan ng pamahalaan tulad ng pagbubukas ng mas maraming trabaho, solusyunan ang kahirapan, pagtulong sa mga magsasaka at tulungan ang mga ito na maibenta ang kanilang mga produkto.
Sabi ng ating mga kababayan, dapat din daw na magfocus ang pamahalaan sa pagtugon sa taggutom, pagbibigay suporta sa mga maliliit na mga negosyante, pagprotekta sa mga Overseas Filipino Workers, terorismo, habang mayroon namang 1% na nagsabi kaugnay sa pagbabago ng konstitusyon.
Isinagawa ang naturang survey mula Marso 6 hanggang Marso 10, 2024 sa pamamagitanng isang face to face survey na nilahukan naman ng nasa 1,200 na mga respondents mula sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa.