-- Advertisements --

Tiniyak ni House Minority Leader Benny Abante na dadaan sa masusing pagsusuri ng kanilang grupo ang P4.5-trillion proposed 2021 national budget upang sa gayon ay masiguro na hindi ito mapunta at masayang lamang sa mga hindi makabuluhang mga proyekto at programa.

Magiging gabay aniya nila sa gaganaping budget deliberations ang theme para sa panukalang pambansang pondo na “Reset, Rebound, and Recover: Investing for Resiliency and Sustainability.”

Nagpapasalamat aniya sila sa ehekutibo na siyang naghanda sa 2021 proposed budget at kanilang ginagalang ang oras at kalidad ng trabaho na ginugol ng mga ito.

Sila, bilang mga mambabatas, nangangako naman na pag-aralan ng husto ang panukalang pambansang pondo, i-reassess ang mga prayoridad at line items, at kung kinakailangan, mag-reallocate ng pondo sa ibang mga programa at proyekto na sa kanilang tingin ay nangangailangan ng karagdagang financial resources.

“This does not mean we will not cooperate with efforts to pass the budget as fast as humanly possible,” ani Abante.

Sang-ayon ang kongresista sa naging pahayag kamakailan ni Speaker Alan Peter Cayetano na kailangan talaga ng bayanihan o pagkakaisa upang sa gayon ay maipasa ang budget ng maaga para makatutok din ang pamahalaan sa economic recovery efforts.

Pero hindi aniya ito nangangahulugan na isasantabi na nila ang kanilang mandato na suriin ng husto ang nilalaman ng panukalang pambansang pondo.

“At first glance, the budget appears to have its priorities in order. But, as the saying goes, the devil is in the details––and it is the duty of every legislator, not just those in the Minority, to pore over these details and make sure that every peso in that budget redounds to the benefit of our constituents,” dagdag pa nito.