Nilinaw ng legal counsel ni Maharlika Pilipinas Basketball League founder Sen. Manny Pacquiao na hindi konektado sa MPBL ang nasa likod ng natuklasan nilang game fixing sa mga laro sa liga.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Brando Viernesto, iginiit nito na pawang mga taga labas ng MPBL ang nasa likod ng modus na ito.
Kahapon, kinasuhan ni Pacquiao ang 21 persons katao, kabilang na ang 11 players ng SOCCKSARGEN team.
Ibinunyag ni Pacquiao na isang Chinese national na nagngangalang “Mr. Sung” ang mastermind sa operasyon at middleman naman ang dalawang iba pang katao na kinilala ng senador na sina “Kein” at “Emma”.
Sinabi ni Viernesto na iniimpluwensyahan ng mga sindikatong ito ang mga coaches at players ng MPBL para masunod ang kanilang gustong mangyari sa laro at manalo sa mga pustahan.
“Marami kasing mga betting stations sa sports, may mga ads iyan, may scoring over under. So ang gagawin ng grupong ito, tataya sila sa mga over under o kung ano mang score ang tatayaan nila tapos kokontrolin nila ang scores ng mga teams,” ani Viernesto.
“Ang gagawin nila ay maaring bayaran nila ang mga coaching staffs o mga players at ididikta nila: ito lang ang dapat na score ninyo, ito lang ang dapat na gawin ninyo. Ito ay para masunod ang kanilang bet at para manalo,” dagdag pa nito.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin aniya ang kanilang imbestigasyon katuwang ang NBI para naman sa iba pang mga koponan na kabilang sa liga kasunod na rin ng mga impormasyon na kanilang nalikom mula sa mga whistleblowers at iba pang ebidensya.
Gayunman, tiniyak ni Viernesto na magpapatuloy pa rin ang mga laro sa MPBL.
Gayundin aniya ang kanilang pagsisikap sa paglilinis sa anumang iligal na gawain sa MPBL na hindi na dapat pang pamarisan.