Sinimulan na ngayong araw ang mass testing sa Lungsod ng Bacoor kung saan unang sumailalim sa swab testing ang mga suspected COVID-19 patients na kasalukuyang nananatili sa quarantine facility.
Katulong ang Provincial Health Office at Department of Health (DOH) ay pinangunahan ng City Health Office ng Bacoor ang swab testing.
Magkakaroon ng dalawang klase ng tests, ito ay ang Nasopharyngeal swab (NPS) at Oropharyngeal swab (OPS).
Kaagad namang malalaman ang resulta ng mga nabanggit na tests sa loob lamang ng 2 hanggang 3 araw.
Tiniyak ng lokal na pamahalaan ng Bacoor sa pangunguna ni Mayor Lani Mercado-Revilla na kaagad tatapusin ang isolation rooms sa Southern Tagalog Regional Hospital.
Magtatalaga rin umano ito ng mga quarantine facilities sa pamamagitan ng pag-convert sa mga motels, hotels at inns sa lungsod.
Sa ngayon ay nasa 32 suspected patients ang isasalang sa swab testing at posible pa itong madagdagan sa mga susunod na araw.
Mananatili naman sa mga quarantine facilities at home quarantine ang mga probable at suspected patients habang hindi pa tapos ang araw na itinakda para muli silang makalabas.