LEGAZPI CITY – Tiniyak ng Department of Education (DepEd)-Bicol na hindi magiging problema sa pagbubukas ng klase sa darating na Oktubre 5 ang pagkasira ng mga paaralan kasunod ng pagtama ng magnitude 6.6 na lindol sa Masbate.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DepEd-Bicol Director Gilbert Sadsad, nasa 19 na paaralan ang naapektuhan ng lindol at ilan sa mga ito ang nagtamo ng minor at major damages.
Ayon kay Sadsad, hindi ito magiging hadlang sa pagbubukas ng klase dahil wala namang face-to-face classes dulot ng nararanasang pandemya.
Tinatayang P20 million na ang pinsala sa naturang mga paaralan.
Subalit inaasahan na tataas pa ang halaga ng pinasla dahil initial evaluation pa lamang ang isinasagawa ng tanggapan.
Aminado rin si Sadsad na hindi magiging madali ang rehabilitasyon ng mga apektadong paaralan dahil tapos na ang proposal ng 2021 budget.
Sa kabila nito, umaasa pa rin ang tanggapan na maihabol pa ito sa tinatawag na general fund for repair.
Sa ngayon, inaalam din kung may mga paaralan na naapektuhan ng lindol sa Ticao at Burias island ng Masbate.