LEGAZPI CITY – Personal na bumisita si Kisses Delavin sa mga kababayan nito sa Cataingan, Masbate, kasunod ng magnitude 6.6 na lindol.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Philippine Red Cross Masbate Chapter administrator Marie Jane Ocsimer, hatid ng 21-year-old actress ang suporta at comfort sa mga apektadong pamilya na inilikas mula sa bitak-bitak na kabahayan patungo sa Cataingan National High School.
Inalam aniya ng young actress kasama ng mga magulang nito ang sitwasyon ng mga kababayan upang matukoy ang kaukulang tulong na maipapaabot sa mga ito.
Nakipagkwentuhan pa si Kisses sa mga kababayan at ibinahagi ang karanasan habang idinuduyan ang island province ng malakas na lindol.
Ayon kay Ocsimer, inamin umano ni Kisses na lubhang kinabahan ito sa lakas ng pagyanig habang nasa loob ito ng kanilang bahay kaya nang kumalma ang sitwasyon, bumiyahe ang mga ito patungong Cataingan.
Si Kisses o Kirsten Danielle Tan Delavin sa tunay na buhay, ay tubong Masbate City na sumikat mula sa pagsali sa isang reality show sa isang TV network.