Target ngayon ng Department of Education (DepEd) na dagdagan pa ang paggamit ng TV at radio-based materials sa School Year 2021-2022.
Ayon kay DepEd Secretary Leonor Magtolis Briones, ang naturang hakbang ay bilang bahagi ng pagsuporta nila sa mas magandang blended learning sa susunod na school year.
Aniya hindi raw maipagkakaila ang mahalagang papel na ginagampanan ngayon ng TV at radyo sa bansa sa paghahatid ng edukasyon dahil sa hindi lahat ay may access sa internet.
Iginiit ng kalihim na dapat ay accessible daw sa lahat ng mga mag-aaral ang learning opportunities ngayong panahon ng pandemic na dulot ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Habang mayroon umanong Self-Learning Modules (SLMs) sa mga paaralan at field offices, iginiit ng DepEd na iko-convert pa rin ang mga ito sa DepEd TV episodes at radio-based lessons para sa flexibility ng naturang modality.
Ang mga kumpletong episodes ng DepEd TV ay ieere naman sa mga TV stations gaya ng IBC 13, GMA7, Cignal, GSat, Grace TV, Solar, Planet Cable, Pacific Kabelnet, Mabuhay Pilipinas TV at PCTA members.
Sabay naman itong mapapakinggan sa radio stations naturang mga TV networks.
Noong nakaraang school year, nakapag-produce ang DepEd TV ng 1107 sa first quarter at 320 sa second quarter na patungkol sa Most Essential Learning Competencies (MELCs).