-- Advertisements --

Inaasahang lalo pang titindi sa mga susunod na buwan ang magiging epekto ng El Nino sa bansa.

Dahil dito, posibleng lalo pang tataas ang bilang ng mga probinsya sa buong bansa na makakaranas ng matinding tagtuyot na posibleng magtatagal hanggang sa Enero ng 2024.

Ayon sa PAGASA, maaaring aabot sa 26 na probinsya sa Luzon ang makakaranas ng dry condition, 36 ang magkakaroon ng dry spell, habang matinding tagtuyot ang maaaring maranasan ng probinsya ng Camarines Norte at Southern Leyte sa pagtatapos ng 2023.

Pero sa pagtatapos ng Enero, 2024, maaaring madagdagan pa at aabot na sa 26 ang bilang ng mga probinsyang makaranas na ng matinding tagtuyot

Ito ay kinabibilangan ng Abra, Benguet, Ifugao, Kalinga, Apayao, Mountain Province, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Isabela, Nueva Vizcaya, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, Zambales, Metro Manila, Batangas, Laguna, Rizal, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Palawan, at Spratly Islands.

Gayonpaman, maaaring magbago pa rin naman ang datus, habang patuloy pa ring nagbabago ang anyo ng El Nino.

Sa likod nito, maaari pa ring pumasok sa bansa ang hanggang sa 14 na bagyo, bago matapos ang kasalukuyang taon.