Inihayag ni San Juan Rep. Ysabel Maria Zamora na mas dumami ang ebidensyang kalakip sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte ngayon
kumpara noong nakaraang taon, habang sinusuri ito ng House Committee on Justice upang tukuyin kung may probable cause.
Ayon kay Zamora, nadagdagan ang mga dokumento at attachments sa reklamo, bagama’t nananatiling halos pareho ang mga paratang na impeachable offenses. Iginiit din niya na may sapat na basehan ang kaso at hindi ito haka-haka lamang.
Inamin niyang may halong pulitika ang proseso lalo na’t papalapit ang eleksyon, ngunit aniya, nakikita ng mga mambabatas na may tunay na dahilan ang reklamo.
Dagdag pa niya, posibleng saklaw ng impeachment proceedings ang exemption sa bank secrecy law, bagama’t hindi ito ganap na malinaw sa batas.
Depensa naman ni Zamora, dumaan sa masusing pagsusuri ang mga reklamo at napatunayang “sufficient in form and substance,” dahil nakasaad ang mga kinakailangang detalye at umano’y mga ginawa ng respondent.
Nilinaw rin niya na sa yugtong ito, hindi pa kinakailangan ang mismong ebidensya, kundi ang malinaw na paglalahad ng mga akusasyon.
Maaari pa umanong dumalo si Duterte sa mga susunod na pagdinig sa pamamagitan ng kanyang abogado, alinsunod sa due process.















