-- Advertisements --

Dumarami na sa ngayon ang bilang ng mga batang tinamaan ng COVID-19 na isinusugod sa San Lazaro Hospital sa Maynila.

Ayon kay Dr. Rontgene Solante, chairman ng Adult Infectious Diseases and Tropical Medicine unit ng San Lazaro Hospital, posible na ito ay dahil sa mas nakakahawang Delta coronavirus variant.

Kumpara noong nakaraang taon, o kahit noong Marso lang ng taong kasalukuyan, nadagdagan ang bilang ng mga batang tinatamaan ng COVID-19.

Karamihan sa mga sintomas na nararanasan ng mga batang ito ay “very mild” lamang tulad ng ubo at lagnat.

Madalas nakukuha ng mga batang ito ang coronavirus mula mismo sa kanilang mga magulang o bantay.

Nauna nang sinabi ng Department of Health na ang pagtaas ng COVID-19 infections sa Pilipinas ay naitatala sa lahat ng edad at hindi lamang sa mga bata.

Ayon kay Dr. Jocelyn Eusebio, chief ng Philippine Pediatric Society, mayroong mataas na resistensya ang mga bata kontra COVID-19 pero hindi ibig sabihin nito na hindi na sila kakapitan ng mas nakakahawang Delta variant.