Nakatakdang isailalim sa preventive suspension ang mas marami pang personnel ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa gitna ng imbestigasyon sa maanomaliyang flood control projects.
Ito ang naging tugon ni DPWH Secretary Vince Dizon nang matanong kaugnay sa preventive suspension ng 40 DPWH personnel sa gitna ng patuloy na internal cleansing sa ahensiya matapos ang mga nabunyag na iregularidad sa mga proyektong pang-imprastruktura ng gobyerno.
Ayon sa kalihim, hindi sila titigil dahil patuloy ang kanilang internal investigation at pakikipagtulungan sa Independent Commission for Infrastructure at maging sa Ombudsman.
Nitong Martes, nauna ng ibinunyag ni DPWH USec. Ricardo Bernabe III na nakatakdang isagawa ang administrative proceedings laban sa 49 na empleyado ng DPWH kung saan 40 sa kanila ang kasalukuyan ng nasa preventive suspension.
Naghain na rin aniya ang ahensiya ng criminal cases laban sa 63 indibidwal sa Ombudsman.















