-- Advertisements --
image 360

Makikipag-ugnayan ang Professional Regulation Commission (PRC) sa iba pang ahensya ng gobyerno upang bumalangkas ng mas malinaw na mga patakaran para sa pagkuha ng mga temporary nurses sa mga pagamutan sa bansa.

Ito ay upang ma-accommodate ang plano ni Health Secretary Teodoro Herbosa na tugunan ang kakulangan ng kawani ng mga ospital sa pamamagitan ng pagkuha ng mga nursing graduates na hindi nakapasa sa mandatory board exam ngunit pasado sa kanilang college level.

Ayon kay PRC Commissioner Jose Cueto Jr. handa ang kanilang ahensya na makipagtulungan sa Department of Health (DOH) at Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagbalangkas ng isang “concept paper” na tumutukoy sa mga responsibilidad, limitasyon at safety measures para sa mga hindi lisensyadong nars na itatalaga sa mga ospital ng gobyerno.

Paliwanag ni Cueto, batay sa Philippine Nursing Act of 2002, o Republic Act No. 9173, ay hindi maaaring payagan mabigyan ng pansamantalang work permit ang mga nursing graduates na hindi nakapasa sa licensure exam.

Sa kadahilanang ang mga special o temporary permit lamang kasi na iniisyu nito ay para lamang sa mga foreign licensed nurses.

Aniya, maging sa ilalim ng Medical Act of 1959, o RA 2382, tuwing mayroon lamang natinal emergency maaaring magbigay ng limited and special work permits sa mga medicine graduates at mga estudyanteng hindi pa nakakapasa sa kanilang board exams ang DOH secretary.

Kung maaalala, una nang sinabi ni Health Secretary Herbosa na tanging ang mga nursing graduates na may “almost passing” score na 70 hanggang 74 percent ang kuwalipikado para sa special license na magbibigay-daan sa kanila na magsanay sa entry-level position sa ilalim ng pangangasiwa ng board-certified nurses.