Nakatakdang maglunsad ang Commission on Higher Education (CHED) ng mas maikling Master’s program simula sa susunod na linggo.
Ito ay upang matugunan ang kakulangan ng mga guro sa nursing schools.
Inamin ni CHED chairperson Prospero de Vera III na mayroong kakulangan ngayon sa mga kwalipikadong guro sa nursing schools dahil kailangan na makakuha muna ng Master’s Degree sa nursing bago payagang makapagturo sa mga institusyon.
Subalit ang problema din kasi aniya ay narerecruit ang mga nursing professional na mayroong master’s degree sa ibang bansa.
Ang mas maikling Master’s program aniya ay para sa mga nais na magturo ng nursing sa mga paaralan upang mapataas pa ang bilang ng enrollment sa nursing program.
Una rito, noong Marso ng kasalukuyang taon, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa CHED na tugunan ang kakulangan ng mga nurse sa bana dahil sa pangingibang bansa ng mga ito kapalit ng mas malaking pasahod.