Sinuri ng House Committee on Appropriations ang panukalang P332.50-bilyong budget ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa taong 2027 na layong palakasin ang kaligtasan ng publiko, paglaban sa krimen, at pagtugon sa mga sakuna.
Ayon kay Camarines Sur Rep. Arnie Fuentebella, ang kapayapaan at kaayusan ang pundasyon ng paglago ng ekonomiya.
Ipinagmalaki rin niya ang mas mabilis na limang hanggang pitong minutong emergency response time ng pamahalaan at ang 30.15% na pagbaba ng cybercrime sa bansa sa tulong ng Philippine National Police (PNP).
Ipinahayag naman ni DILG Secretary Jonvic Remulla na gagamitin ang budget para sa makabagong teknolohiya ng PNP upang mas mabilis na matukoy ang mga krimen, kabilang ang mga banta ng kaligtasan sa mga paaralan na kumakalat sa internet.
Ang panukalang pondo para sa 2027 ay mas mataas ng 7.10% kumpara noong 2026, kung saan 95% nito ay mapupunta sa operasyon ng PNP, Bureau of Fire Protection (BFP), at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
“Peace, security, disaster resilience, and the capacity of our local government units to deliver basic necessities do not compete with economic development; they are the conditions that make economic development possible,” pahayag ni Fuentebella.
















