Mas kakaunting bilang ng mga barko ng China ang namataan ngayong araw sa West Philippine Sea.
Ito ay batay sa naging monitoring ng Philippine Navy kaninang umaga sa naturang mga pinag-aagawang teritoryo.
Ayon kay PH Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Roy Vincent Trinidad, base sa naturang datos ay walang namataang mga barko ng China Coast Guard at Chinese maritime militia vessels sa mga bisinidad ng Patag Island, Rizal Reef, Likas Island, at Lawak Island.
Ngunit gayunpaman ay may namataan naman ang PH Navy na dalawang barko ng CCG at 11 suspected CMM sa limang iba pang maritime features sa West Philippine Sea.
Habang may isa ring CCG vessel at apat na CMM ang namonitor malapit sa Pagasa Island, at isa ring CCG vessel sa bisinidad ng Ayungin shoal.
Samantala, ayon kay Commo. Trinidad, bagama’t may ilang pagbabago sa bilang na mga barko at presensya ng China sa WPS ay hindi pa rin ito nakakaalarma sapagkat hindi aniya sa bilang ng mga barko nito nakabatay ang banta sa lugar kundi nakadepende sa mga magiging aksyon nito sa naturang teritoryo.