-- Advertisements --

Dumarami na ang mga Pilipinong mangingisda na nakakapangisda sa bisinidad ng karagatan ng Bajo De Masinloc o kilala din sa tawag na Scarborough Shoal o Panatag Shoal sa kabila ng patuloy na presensiya ng Chinese Coast Guard (CCG) vessels sa lugar.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), sa kanilang aerial surveillance sa Bajo de Masinloc, mayroong 20 Filipino fishing boats ang namataan.

Naglayag din ang PCG malapit sa bangka ng mga Pinoy habang nasa malayo naman ang Chinese Coast Guard vessels.

Sinabi naman ni PCG spokesperson Commodore Armand Balilo na ito ang kanilang pamamaraan ng pagsasabi sa ating mga kababayan para hikayatin ang mga Pilipinong mangingisda na malayang mangisda sa lugar at tiniyak na sila ay kanilang tutulungan at proprotektahan.

Una rito, mayroong daalwang CCG vessels ang namonitor sa loob ng territorial waters ng Pilipinas.

Iniulat naman ng PCG na walang challenge na nangyari sa pagitan ng PCG at CCG sa aerial surveillance na isinagawa lulan ng Cessna208 Caravan.

Nangako naman si Balilo na kanilang gagawin ang lahat para maprotektahan ang Bajo de Masinloc at gayundin ang iba pang pinagtataluanng bahagi ng West Philippine Sea.