-- Advertisements --

Handa nang tumestigo sa kauna-unahang pagkakataon si Mary Jane Veloso laban sa dalawa niyang inireklamong illegal recruiters.

Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Edre Olalia ng National Union of People’s Lawyers (NUPL), nagkaroon ng case conference sa Department of Justice bilang paghahanda sa nalalapit na testimonya ni Veloso sa Mandaluyong Regional Trial Court.

Si Veloso ay nagsisilbing complainant sa kasong qualified human trafficking, estafa, at illegal recruitment laban sa mag-asawang sina Ma. Cristina Sergio at Julius Lacanilao.

Nauna nang nahatulan noong 2020 ng Nueva Ecija RTC ang mag-asawa ng life imprisonment at multang P2 million dahil sa large-scale illegal recruitment, batay sa reklamo ng iba pang biktima.

Inilipat ng Korte Suprema ang kaso sa Mandaluyong RTC noong Disyembre, dahilan upang maantala ang pag-usad ng paglilitis.

Si Veloso ang natitirang pangunahing witness ng prosekusyon sa kaso.

Kaugnay nito, umapela si Olalia sa gobyerno na bigyan ng absolute clemency si Veloso, na kasalukuyang nakakulong sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.

Umaasa rin ang kampo ni Veloso na posibleng maging “pinakamagandang regalo” sa nalalapit na Mother’s Day ang kanyang kalayaan.

Matatandaang naaresto si Veloso noong 2010 sa Indonesia dahil sa tangkang pagpasok ng 2.6 kilo ng heroin. Siya ay nasentensiyahan ng kamatayan ngunit nabigyan ng reprieve noong 2015 at kalaunan ay naibalik sa Pilipinas noong Disyembre 2024.