Dismayado si Manila Mayor Isko Moreno sa napaka-“dugyot” na sitwasyon ng slaughter house compound sa Vitas, Tondo, Manila.
Personal na nag-ikot si Moreno sa slaughter house sa Vitas, na pangunaging katayan ng mga baboy at baka sa lungsod ng Maynila.
Nakita rin ni Moreno ang mga sitwasyon ng mga hayop na nakatakdang katayin.
Aniya, ang mga lugar kung saan naroroon ang mga hayop ay nakakadiri ang tubig, umaalingasaw ang amoy at madumi ang mga hayop.
Ayon kay Moreno, target na matapos ang konstruksiyon ng bagong Vitas slaugther house compound sa loob ng anim na buwan.
Komunidad na ang gagawin, kung saan maaaring manirahan ang mga nagtatrabaho sa slaughter house.
Ani Moreno, hindi niya kayang hayaan ang dugyot na sitwasyon sa slaughter house.
Gusto rin niyang maging katanggap-tanggap at makapasa sa Department of Enviroment and Natural Resources (DENR) ang slaughter house.
Samantala, sinabi ni Moreno na bubusisiin ng local government unit (LGU) ang ligalidad ng isang sabungan na nasa compound.