-- Advertisements --

Naniniwala ang Philippine National Police (PNP) na epektibo ang pagpapatupad ng Martial Law sa Mindanao, pero masyado pang maaga para magrekomenda ng panibagong extension.

Ayon kay PNP spokesperson Police B/Gen. Bernard Banac, nakatulong ang Batas Militar sa Mindanao para panatilihin ang kaayusan at kapayapaan sa lugar kahit pa may nakakalusot pa rin na ilang pag-atake ng mga teroristang grupo.

Ayon kay Banac, posibleng mas maraming pag-atake at pambobomba ang naisakatuparan kung walang Martial Law.

Paliwanag pa nito, bumaba ang crime incidents sa Mindanao at nakontrol ang pagkalat ng mga iligal na armas.

Nitong Sabado, walo ang sugatan sa pagsabog sa Isulan, Sultan Kudarat, habang patay naman ang suicide bomber sa pagsabog sa Indanan, Sulu.

Samantala, hindi raw dapat na iugnay sa planong pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao ang huling insidente ng pambobomba sa Sultan Kudarat.

Iginiit ni Basilan Rep. at Deputy Speaker Mujic Hataman na walang kinalaman ang insidenteng ito sa posibilidad na muling palawigin ang Batas Militar sa Mindanao.

Hindi naman aniya basta gagawa lamang ng pagpapasabog ang mga otoridad upang maikatwiran lamang ang Martial Law extension.

Para sa kongresista, lumalakas na talaga ang kalidad ng terorismo at nakakatakot din kasi nagagamit na ang mga Pilipino sa suicide bombing.

Kaya naman, nanawagan si Hataman sa mga lokal na pamahalaan na manatiling alerto sa lahat ng oras para mabantayan ng husto ang kanikanilang mga komunidad laban sa mga taong nagnanais na maghatid ng karahasan. (with report from Bombo Dave Pasit)