-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Sisimulan nang ilagay ng City Government ang Market Market sa Barangay sa April 16, 2020.

Layun ng programa na ilapit ang mga pamilihan sa mga taga barangay na sumasailalim ngayon sa Enhanced Community Quarantine dahil sa banta ng Corona Virus Disease 2019, ayon pa kay City Mayor Joseph Evangelista.

Una na kasing dinumog ng mga mamimili ang Mega Market simula ng ipatupad ang Enhanced Community Quarantine, bagay na posibleng pagmumulan ng pagkalat ng Covid19, wika pa ng alkalde.

Dagdag pa ni Mayor Evangelista na maliban pa sa nalilimitahan ang pagpasok sa Mega Market at maiwasan ang posibleng pagkalat ng sakit, ay makakatulong din ang Market Market na magkaroon ng economic activity sa mga kabaranggayan sa panahon ng ECQ.

Ibebenta sa Market Market sa Barangay ang mga produktong pagkain tulad ng bigas, gulay, prutas, presko at tuyong isda, karne, itlog, mga pampalasa, tinapay, gamot at pangunahing grocery items sa tamang presyo.

Manggagaling ang mga produktong nabanggit sa mga nagbebenta mismo sa Mega Market at malalaking grocery shops sa lungsod na ilalako at ibebenta sa mga istratehikong Barangay ng San Isidro sa April 16, Kalaisan sa April 17, Ginatilan sa April 18 at Mateo sa April 19 simula alas siyete ng umaga hanggang alas tres ng hapon.

Ibabyahe ng mga tricycle na may ruta sa naturang mga barangay mula sa Mega Market ang mga produkto patungo sa mga pamilihan sa kanayunan.

Ipupuwesto sa mga Barangay Gym o Covered Court ng nabanggit na barangay ang Market Market.

Sinadya na sa mga barangay na nabanggit ang Market Market dahil na rin sa accessible ang mga ito sa iba pang mga nakapalibot na barangay sa lungsod.

Bibilhin naman ng City Government ang locally produce na produkto ng iba pang barangay para maibenta ang mga ito sa Market Market.

Ito ay upang maseguro na sumusunod sa tamang presyo ang mga produkto, ani pa ni Mayor Evangelista.

Tanging mga taga Kidapawan City muna ang uunahing makabili ng pagkain at pangunahing pangangailangan sa Market Market.

Maliban sa nareresolba nito ang pangangailangan sa pagkain ay nalilimitahan din ang dami ng tao ng pupunta sa Market Market.

Nagpaalala naman ang City Government na yaong mga otorisadong nabigyan at may hawak ng Kidapawan Quarantine Identification Pass o KIDQIP ang tanging pinapayagang bumili sa Market Market.

Sapilitan din ang pagsusuot ng face mask kapag bibili sa Market Market maging ang physical distancing, paalala pa ni Mayor Evangelista.

Katuwang ng City Government sa pamamagitan ng City Tourism and Investment, Barangay Affairs, City Agriculture, Economic Enterprise and Management sa Market Market sa Barangay ang Department of Trade and Industry, Federation of Kidapawan Integrated Tricycle Association at mga asosasyon ng mga vendors ng Mega Market.