Umapela si Marjorie Barretto sa publiko na hayaan munang makapagluksa ang kanilang pamilya kasunod ng pagpanaw ng kanilang ama.
Unang pahayag ito ng actress/politician sa gitna ng kontrobersya kung saan nagkaroon ng komprontansyon ang Barretto sisters sa burol mismo ng namayapang si Miguel Barretto sa Heritage Memorial Park sa Taguig.
Sa online message ng pangalawa sa Barretto sisters, tiniyak nito na ibabahagi ang tunay na dahilan ng away nilang magkakapatid kapag naihatid na sa huling hantungan ang kanilang ama.
Kasabay nito ay nag-sorry ang ina ng young actress na si Julia Barretto kay Pangulong Rodrigo Duterte na noo’y nasa lamay at nasaksihan ang unang beses na pag-aaway pero bigong mapagkasundo ang Barretto sisters.
Kung maaalala, matagal nang may hidwaan sina Gretchen, 49; Marjorie, 45; at Claudine, 40.
Sinasabing lalong lumalim ang iringan ng magkakapatid dahil hindi nagustuhan ni Marjorie ang pagpapadala nina Gretchen at Claudine ng bulaklak kay Bea Alonzo noong kainitan ng isyu tungkol sa rumored relationship ni Julia kay Gerald Anderson.
Sumakabilang-buhay ang Barretto patriarch nitong October 15, matapos ang halos dalawang linggong pananatili sa intensive care unit ng St. Luke’s Medical Center.