Binigyang diin ng National Security Council (NSC) na ang mga iminungkahing panukalang batas na nagtatatag ng mga maritime zone at sea lane ng bansa ay makakatulong sa pagpapatupad ng 2016 arbitral ruling na nagpawalang-bisa sa malawak na pag-angkin ng China sa West Ph Sea.
Sinabi ni NSC Assistant Director General Jonathan Malaya na sa kawalan ng international police upang matiyak ang pagsunod sa desisyon noong 2016, ang gobyerno ng Pilipinas ay kailangang gumanap ng mahalagang papel sa pagtiyak na ito ay maipapatupad.
Aniya, ito ay maaaring makamit sa pamamagitan ng panukalang Philippine Maritime Zones Act at Philippine Archipelagic Sea Lanes Act.
Aniya, mahalaga na ang desisyon ng arbitral tribunal ay muling pinagtitibay at ipinatutupad ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga lokal na batas.
Kabilang dito ang patuloy na pagsuporta sa mga mangingisdang Pilipino upang malayang makapangisda sa West Philippine Sea, pagpapadala ng mga maritime patrol, at pagbibigay ng mga tropang Pilipino na namamahala sa mga outpost ng bansa.
Kung matatandaan, sinabi ni Solicitor General Menardo Guevarra na ang maritime zones bill ay magiging domestic version ng isang international agreement at ito ang mga batas ng coastal state.