Tiniyak ng binuong Area Task Force North ng pamahalaan ang pagtutok nito sa maritime security sa hilagang bahagi ng Pilipinas.
Ito ang naging sentro ng talakayan ng naturang task force sa kanilang isinagawang kauna-unahang pagpupulong sa headquarters ng NOLCOM kamakailan lang.
Layunin ng pagpupulong na to na palakasin pa ang koordinasyon ng bawat miyembro ng nasabing task force na kinabibilangan ng PCG, PNP Regional Maritime Units, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Regional Office, 5th at 7th Infantry Division ng Philippine Army, Naval Forces Northern Luzon, at Tactical Operations Wing Northern Luzon, na pinamumunuan naman ni NOLCOM commander LTGEN Fernyl Buca.
Kabilang sa babantayan nito ay ang halos 770,000 square kilometers ng karagatan sa palibot ng hilang Luzon kabilang na ang Bajo de Masinloc, Luzon Strait, at Philippine Rise.
Isa rin sa mga tinalakay sa nasabing pagtitipon ay ang information sharing sa bawat kasapi ng naturang task force para sa mas mahusay na “maritime situational awareness” upang pigilin ang panghihimasok at ilegal na aktibidad sa mga teritoryo ng Pilipinas.
Samantala, kasabay nito ay patuloy pa rin ang paaalala ni LTGEN Buca sa lahat ng miyembro ng Area Task Force North na palaging isaalang-alang ang pagsunod sa “rules of engagements” at kumpletong dokumentasyon sa mga aksyong pandepensa at pagpapanatili ng seguridad ng bansa na alinsunod na rin sa mga direktibang inilatag ng National Security Adviser at ng pamunuan ng Department of National Defense.