-- Advertisements --

Russian vlogger na nangharas ng Pinoy, ibinalik sa Immigration matapos magpiyansa

Muling ibinalik sa Bureau of Immigration (BI) holding facility si Russian vlogger Vitaly Zdorovetskiy matapos magpiyansa sa kasong unjust vexation sa Taguig.

Si Zdorovetskiy, kilalang YouTuber na gumagawa ng prank videos, ay inaresto matapos mangharas ng isang guard at ilang tao sa Bonifacio Global City. Dahil dito, idineklara siyang “undesirable alien” ng BI.

Noong Hunyo 11, inilipat siya sa BJMP para harapin ang kaso sa Taguig RTC Branch 153. Ngunit matapos magpiyansa, ibinalik siya sa BI Warden Facility sa Camp Bagong Diwa.

Ayon kay Immigration Commissioner Joel Viado, kahit nakapagpiyansa, mananatili siyang nakakulong. Aniy, hindi pwedeng gumala and russian national at kailangang tapusin ang kaso rito bago ang deportation.

Nahaharap si Zdorovetskiy sa tatlong kaso ng unjust vexation at posibleng makulong nang hanggang 18 buwan kung mapatunayang guilty.

Ayon sa DILG, hindi pa siya maaaring i-deport dahil tumanggi ang Russia at U.S. na siya’y tanggapin. Lumabas din sa isang petisyon na nambastos siya ng surfing instructor sa Boracay.

Sabi ng kanyang abogado, handa na raw humingi ng tawad si Zdorovetskiy sa mga biktima sakaling siya’y mapalaya.(report by Bombo Jai)