Isiniwalat ng Maritime Industry Authority (Marina) na mayroong itong probable cause para maghain ng mga kaso laban sa may-ari ng lumubog na oil tanker noong Pebrero 28 at nagdulot ng malawakang oil spill na nakaapekto sa mga komunidad at marine ecosystem sa Oriental Mindoro.
Sa interagency meeting sa oil spill sa Department of Justice (DOJ), iniulat ni Marina Deputy Administrator Sonia Malaluan na nakumpleto na ang kanilang inisyal na imbestigasyon at inisyu na rin ang isang resolution kaugnay sa probable cause para makapaghain ng pormal na kaso laban sa shipping company.
Hindi naman idinetalye pa ng opisyal kung anong mga kaso ang isasampa subalit sinabi nito sa media na tinitignan na ang posibleng paghain ng kasong administratibo laban sa may-ari ng MT Princess Empress.
Una ng sinabi ng Marina na nag-isyu na sila ng dalawang cease-and-desist orders laban sa may-ari ng barko.
Ang isa dito ay para sa kanselasyon ng prangkisa o ang Cerificate of Public Convenience (CPC) habang ang isa naman ay ang para sa pagpapatigil ng operasyon ng kompaniya.