Unti-unti nang bumababa ang lebel ng tubig sa Marikina River, mula sa naitalang pag-angat nito kahapon, Setyembre-1.
Batay sa monitoring ng Rescue 161 ng Marikina LGU kaninang umaga, nasa 14.6meters na lamang ang lebel ng tubig mula sa 15.3 meters na naitala kagabi.
Apektado kasi dati ang naturang ilog sa mga tubig ulan mula sa mga kabunduhan ng Mt. Campana, Mt. Boso-boso, Mt Aris, Mt. Oro, at Nangka na dumadaloy pababa.
Pero ayon sa Rescue 161, wala nang naitalang pag-ulan sa mga nabanggit na lugar kaninang madaling araw, hindi katulad sa mga nakalipas na araw.
Dahil dito, inalis na rin ang first alarm na unang itinaas sa nasabing ilog.
Sa likod nito, patuloy pa ring pinapaalalahanan ng Rescue 161 ang publiko na maging alerto at bantayan ang aktibidad ng naturang ilog.