Tinawanan lamang bagama’t kinalaunan ay nainis din si Mariel Rodriguez kaugnay sa pagkalat sa social media na nakabuntis daw ng ibang babae ang celebrity husband nitong si Robin Padilla.

Ayon sa 36-year-old TV host/model, naalarma siya sa dami ng nagpapadala ng mensahe hinggil sa blind-item report na sinasabing tumutukoy kay Robin at sa sexy singer turned government official na si Mocha Uson.

Nabatid na kapwa masugid na tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 51-year-old actor at 38-year-old lead singer ng Mocha Girls.

Unang idinaan ni Mariel sa emojis na laughing with tears ang isyu pero umapelang tigilan na ang aniya’y walang basehan na tsismis lalo’t kakamatay lang ng nakatatandang kapatid ng tinaguriang Bad Boy in Philippine Showbiz.

Dagdag nito na katunayan ay wala pang ideya si Robin hinggil sa kontrobersya kaya sana ay irespeto ang kanilang pagluluksa.

“ROBIN’S BROTHER PASSED AWAY. He is grieving. He has never been in so much pain all his life. He doesn’t need your baseless gossip. Namatayan ng kapatid yung asawa ko. Please lang po. He doesn’t even know anything about all this rumor but i am putting a stop to this NOW. May oras para maging assholes now is not that time. Please,” caption nito sa larawan ng mister na kuha sa burol ng Kuya Royette.

Sa ngayon ay mayroon nang dalawang anak na babae sina Mariel at Robin mula nang ikasal sa pamamagitan ng private ceremony sa Taj Mahal sa India noong 2010.

Nabatid na dalawang beses na dumanas ng miscarriage ang TV host bago ang matagumpay na pagbubuntis muli.