-- Advertisements --

Aprubado na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang Fiscal Year 2023 General Appropriations Bill (GAB) ang P5.268 trillion na pambansang pondo.

Sa botong 289-Yes, 3-No, 0-Abstention na inunsyo ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, pinagtibay ng mga kongresista ang House Bill 4488.

Matatandaan na “certified as urgent” ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukala, kaya naman naipasa ng Kamara kaagad sa ikalawa, hanggang ikatlo at huling pagbasa sa loob lamang ng isang araw.

house plenary congress
House plenary budget deliberations

Una rito ay nakalusot ang panukala sa ikalawang pagbasa, “subject to amendments” na aaprubahan ng isang 5-member small committee na kinabibilangan nina Reps. Zaldy Co at Rep. Stella Quimbo na chairman at senior vice chairman ng House Appropriations Committee kasama sina Majority Leader Manix Dalipe at Minority Leader Marcelino Libanan na silang tatanggap ng “individual amendments” para sa panukalang pambansang pondo.

Ang P5.268 trillion na panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon, ang kauna-unahang national budget sa ilalim ng administrasyong Marcos.

Ito na rin ang itinuturing ngayon na pinakamataas na panukalang pambansang pondo sa kasaysayan ng bansa.

“The expeditious passage of the proposed 2023 budget is the product of the collective effort of the entire House, in transparent and open proceedings where the majority accorded ample opportunity for the constructive inputs of our friends from the minority bloc,” pahayag pa ni Romualdez.

Nauna rito, ipinunto ng economic team na ang layunin ng administrasyong Marcos ay makamit ang 6.5 hanggang 8.0 porsiyentong tunay na paglago ng Gross Domestic Product (GDP) taun-taon sa pagitan ng 2023 hanggang 2028 upang makamit ang isang digit o 9.0 porsiyentong antas ng kahirapan sa taong 2028.