Hindi pa rin natinag ang mga mamamayan ng Myanmar na magsagawa ng kilos protesta para kondinahin ang military coup at patuloy na panawagan sa pagpapalaya sa kanilang lider na si Aung San Suu Kyi.
Ang kilos protesta ay isinagawa kasunod din ng dalawang pagkasawi ng mga protesters matapos na sila ay barilin ng mga kapulisan.
Ipinagtanggol naman ng Foreign Ministry ang nasabing hakbang ng kapulisan at sinabing ginawa lamang nila ang nararapat para maiwasan ang paglala ng kaguluhan.
Nag-alay ng mga bulaklak para sa mga nasawing protesters ang maraming mga tao na dumalo sa Mytikyina at sila ay nagmartsa sa bayan ng Monywa at Bagan.
Nauna nang nagpaabot ang US, France, Singapore, Britain at Germany ng pagkabahala sa nagaganap na kaguluhan sa nasabing bansa.
Habang kinondina naman ni United Nation Secretary General Antonio Guterres ang madugong pagbuwag ng mga kapulisan sa mga protesters.