-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Maraming mamamayan sa Thailand ang nagsasagawa ng kilos protesta upang pababain sa pwesto si Prime Minister Prayuth Chan-ocha.

Ayon kay Bombo International News Correspondent Noli June Cerveza libu-libong mamamayan ang nagrarally sa mga kalsada kaya pinayuhan na ang mga mamamayan lalo na ang mga foreigners na manatili sa kanilang mga bahay o iwasan ang dumaan sa mga lugar kung saan isinasagawa ang mga kilos protesta.

Isa sa rason ng mga raliyista kung bakit nais nilang pababain sa pwesto ang prime minister ay dahil sa mabagal na distribusyon ng bakuna kontra Covid-19 at malawakang korapsyon sa pamahalaan.

Ayon sa isang opinion poll 2/3 o 64% ng mamamayan ng Thailand ay nais nang bumaba sa pwesto ang prime minister ngayong buwan samantalang ang nakatakda nitong pagbaba sa pwesto o pagtatapos ng kanyang termino ay sa Marso pa ng susunod na taon.

Si Prayuth Chan-ocha ay dating junta leader at prime minister mula 2014 hanggang magkaroon ng election noong 2019 at napili siya ng bagong parliament na manatili bilang prime minister.

Sa kasalukuyan ay mapayapa naman ang mga isinasagawang rally sa nasabing bansa.