Dumagdag na maging ang mga Hollywood celebrities sa pagkondena kaugnay sa pagkamatay ng isang black American habang nasa kustodiya ng mga otoridad sa estado ng Minnesota.

Kabilang dito ang Canadian pop sensation na si Justin Bieber, socialite na si Kim Kardashian, super model Naomi Campbell at iba pa.

Pawang nagkakaisa ang mga ito sa kahilingan na mabigyan ng hustisya si George Floyd na inaresto at tila nakaranas ng torture matapos kumalat ang video na niluhuran ito ng isa sa mga pulis sa kanyang leeg.

Marami ang nakisimpatiya dahil nadinig pa umano sa video na nagmamakaawa ang 46-anyos na si Floyd na hindi na ito makahinga hanggang sa mawalan ng malay.

Dumating naman ang ambulansya at naisugod pa sa ospital ang nasabing black American, pero hindi na umabot pa ng buhay.

Sinasabing inaresto si Floyd dahil sa kasong forgery o pamemeke ng mga dokumento.

Una nang nasibak ang apat na police officers bunsod ng kontrobersya. (eonline)