LA UNION – Kulungan naman ang bagsak ng isang manugang matapos nitong saksakin ang kanyang biyenan at live-in partner sa bayan ng Naguilian, La Union.
Nakilala ang mag-amang biktima na sina Glenn Ocariza, 52, at Catherine Ocariza, 18, kapwa residente ng Barangay Ortiz habang nakilala naman ang suspek na si John Andrey Gomez, 19, residente ng Barangay Nagsidurisan sa nabanggit na bayan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo La Union kay PCpl. James Calipa, imbestigador ng Naguilian Police, nagkaroon ng pagtatalo sina John Andrey at Glenn na dahil upang saksakin ng suspek ang biktima ng tatlong beses.
Nagtamo rin ng sugat si Catherine matapos itong masaksak ni John Andrey matapos itong pumagitna.
Isa sa tinitingnan dahilan ng pananaksak ni John Andrey sa biktima ay ang hindi umano pagkakaintindihan ng mga ito sa magiging pangalan sa isisilang na anak nila ni Catherine.
Sa ngayon nananatili pa sa Ilocos Training Regional & Medical Center si Glenn habang nakalabas naman na si Catherine.
Nahaharap naman sa kaso ang suspek kung saan desidido ang mga biktima na maghabla.