Ipinagmalaki ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Sec. Roy Cimatu na mas malinis na raw ngayon ang tubig sa Manila Bay dahil sa bumabang fecal coliform level.
Base raw sa kasalukuyang fecal coliform level sa Manila Bay ay nasa 4.87 million most probable number na lang ito sa bawat 100 milliliters. Ito ay mula sa mga samples na kinuha ng 21 stations na nakapaligid sa Manila Bay noong Pebrero 8.
Mas mababa ito sa annual average na naitala noong 2020 na 7.16 million per 100 milliliter. Ibig sabihin lamang nito na ang bumaba na ang fecal coliform level sa nasabing lugar.
Sinabi pa ng kalihim na ang fecal coliform level sa katubigan na malapit sa beach nourishment project mula 2.2 million most probable number noong Enero 4 ay bumaba ito ng 523,000 most probable number noong Pebrero 8. Batay ito sa average count ng tatlong monitoring stations.
Ginawa ng ahensya ang pahayag na ito ilang araw lamang matapos sabihin ni House Deputy Speaker at dating Manila mayor Lito Atienza na mas nakakadiri raw ngayon ang Manila Bay.
Iginiit naman ni Cimatu ang pagtupad ng DENR sa pangako nito na pababain pa ang fecal coliform sa Manila Bay upang mas maging ligtas ito para sa recreational activities at pangingisda.
Ang fecal coliform ay tumutukoy sa isang uri ng bacteria na nagmumula sa intestines ng mga warm-blooded animals.