Nagkasa na ng manhunt operation ang mga tauhan ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) laban kina dating Bureau of Corrections chief Gerald Bantag, at dating deputy officer nito na si Ricardo Zulueta.
Ito ay matapos na ipag-utos ni PNP-CIDG chief PBGEN Romeo Caramat Jr. ang pagbuo ng tracker teams para sa naturang operasyon kasunod ng arrest warrant na inilabas ng Muntinlupa court laban sa dalawa na may kaugnayan sa kasong pagpatay sa middleman na si Jun Villamor, at sa broadcaster na si Percy Lapid.
Paliwanag ni Caramat layunin ng binuong tracker teams na ito ang mas mapabilis pa ang paghahanap at pagtugis kina Bantag at Zulueta.
Layon din nito na masiguro na mako-cover ng pulisya ang gagawing manhunt operations nito saan mang panig ng Pilipinas mula sa Metro Manila hanggang sa Mindanao.
Aniya, bukod dito ay tututukan din ng naturang tracker teams ang case build-up at operational research upang alamin ang kinaroroonan ng dalawa.