Ipinag-utos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na kumpletuhin ang pre-emptive o mandatoryong paglikas sa mga residenteng nasa high-risk communities ng hindi lalagpas sa araw ng Linggo, bago pa man ang inaasahang pagtama ng paparating na bagyo na may international name na Fung Wong, at local name na Uwan sa oras na pumasok na sa bansa.
Partikular na iniutos ng ahensiya sa mga lokal na opisyal na huwag nang antayin pa na lumala ang lagay ng panahon bago ilikas ang mga residente mula sa mga lugar na delikado sa baha at pagguho ng lupa.
Pinaalalahanan din ng DILG ang mga lokal na pamahalaan na tiyaking may sapat na mga suplay sa evacuation centers gayundin ang power sources at personnel na aalalay sa mga evacuee.
Giit ng DILG na dapat huwag magpakampante at mahalaga aniya ang sunod na 48 oras para sa paghahanda.
Kaugnay nito, hinihimok ng ahensiya ang lahat na manatiling maging informed at makipag-tulungan sa mga awtoridad.
Ipinag-utos na rin ng DILG ang suspensiyon ng mga biyahe sa dagat, outdoor tourism at recreational activities sa mga lugar na posibleng daanan ng bagyo.
Inatasan na rin ang mga lokal na pamahalaan na magdeploy ng road-clearing teams at tiyakin ang access sa mga ruta para sa emergency at relief operations.
















