-- Advertisements --

Pinag-aaralan pa raw ng Department of Health (DOH) ang pagbuo ng polisiya para sa suggested retail price ng face shield, na isa sa mga ginagamit ngayong personal protective equipment laban sa COVID-19 virus.

Nilinaw ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na walang utos mula sa kanilang ahensya na maging mandatory ang pagsusuot ng face shield.

“Sumunod kami sa resolution sa IATF (Inter-Agency Task Force). Ang resolution is encourage (public to use) face shield. Hindi pa natin sinasabi na mandatory ‘yan.”

“Although there has been other agencies na nagpalabas noong isang linggo na mandatory for these specific sectors.”

Kamakailan nang maglabas ng guidelines ang Department of Transportation, kung saan kasali ang face shield sa dapat na suot ng isang pasaherong sasakay ng pampublikong sasakyan.

Ayon kay Usec. Vergeire, ilan sa punto na kanilan ikinokonsidera ngayon ay ang gastos ng madla sa pagbili ng face shield.

Batay sa pag-aaral ng ilang local experts, nakakatulong daw ang pagsusuot ng face shield para mabawasan ang risk ng pagkahawa sa sakit.

“Yung SRP pinag-aaralan natin ngayon, kasi yung pinag-aaralan ngayon ng units dito sa DOH ay yung material na appropriate para dito sa face shields. Tulad ng face masks kung ano yung appropriate sa community, sa different settings.”

Dito raw magba-base ang DOH sa dapat na presyo ng face shield na may sapat na materyal para sa kaligtasan ng magsusuot na tao.

Sa mga nakalipas na araw, ilang ulat na ang nabalita ukol sa pagkakaubusan ng face shield sa mga palengke at medical supplies store.

Una nang nagbabala ang Department of Trade and Industry sa mga nananamantalang magbenta ng face shield nang doble sa dapat nitong presyo.