-- Advertisements --

Nilinaw ni House Committee on Peoples Participation chairman at San Jose del Monte Rep. Florida Robes na hindi discriminatory ang panukala niyang gawing mandatory ang COVID-19 vaccination.

Iginiit ni Robes na ginagalang ng inihain niyang House Bill No. 10249 kung ipinagbabawal sa isang relehiyon ang pagpapaturok ng COVID-19 vaccine.

Hindi rin aniya maaring panagutin iyong mayroong medical condition na maaring mapahamak kapag mabakunahan kontra COVID-19 basta may sertipikasyon mula sa isang doktor.

Giit ni Robes, nahaharap pa rin ang bansa sa health crisis kaya mahalagang mabakunahan ang lahat na puwede nang maturukan ng COVID-19 vaccine.

Itong kanyang isinusulong aniya ay parehas lamang ang layunin sa mandatory immunization naman para sa mga bata, na matagal na ring ipinatutupad sa bansa.

Pagdating sa parusa na pagkakakulong ng hanggang 30 araw at multa na P10,000 para sa mga qualified vaccinees, iginiit ni Robes na mas mababa pa ito kumpara sa ibang panukalang batas na nakabinbin din sa ngayon sa Kamara.

Dagdag pa ni Robes, sakaling maging ganap na batas ito ay dadaan pa rin naman sa mga babalangkas ng implementing rules and regulations kaya posible pa ring magkaroon ng mga pagbabago sa lenggwahe ng panukala niyang ito.