-- Advertisements --

Hindi pa rin daw malinaw ang mandato ng bagong talagang undersecretary ng Department of Health (DOH) na si dating Southern Philippines Medical Center chief Leopoldo Vega.

Ito ang nilinaw ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire, kasunod ng appointment ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan.

Hanggang ngayon daw kasi ay wala pang kumakausap sa DOH hinggil sa magiging function ni Vega sa kagawaran.

“Hindi pa namin talaga alam, hindi pa rin talaga clear, kasi hindi pa kami nakakausap regarding this matter,” ani Vergeire.

Kung maaalala, iniluklok ni Duterte si Vega sa posisyon, isang araw matapos magbanta ng pagsibak sa Health officials dahil sa delayed release ng compensation para sa health workers na nagkasakit at namatay sa COVID-19.

“Wala pa rin iyong order…kasi usually pag may inilalagay na personnel sa department, may inilalabas na department order, at wala pang lumalabas na ganito.”

Una nang nilinaw ni Vega na hindi siya itinalaga para palitan si Health Sec. Francisco Duque III na tampunan ngayon ng mga batikos dahil sa COVID-19 response ng ahensya.

Bukas nakatakda raw bumisita si Vega sa DOH.