Nasagip ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Metropolitan Environmental Office-West ang isang 14-foot Burmese Python na kusang isinuko ng isang pamilya sa Barangay Pio del Pilar, Makati City.
Ayon sa DENR, isinuko ang sawa matapos pumanaw ang dating nag-aalaga rito. Agad namang tumugon ang Compliance Monitoring and Enforcement Office ng MEO-West upang maisagawa ang rescue at maayos na turnover ng wildlife.
Batay sa inisyal na pagsusuri ng mga tauhan ng DENR, nasa maayos na kondisyon ang sawa at walang nakitang sugat o palatandaan ng pisikal na pagmamaltrato.
Tinatayang nasa 50 kilo ang bigat ng Burmese Python at may habang 14 talampakan.
Matapos ang rescue, dinala ang sawa sa Wildlife Rescue Center ng Manila Zoo para sa karagdagang pagsusuri, pangangalaga at pagtukoy sa nararapat na disposition nito.
Paalala ng DENR-NCR, dapat iwasan ang direktang paglapit o paghawak sa malalaking wildlife, lalo na kung matatagpuan sa residential o pampublikong lugar. Sa halip, agad na ipagbigay-alam sa mga kinauukulang awtoridad upang ligtas na maisagawa ang rescue.










