Umaasa ngayon si Deputy Minority Leader at Basilan Rep. Mujiv Hataman na magiging ganap nang batas ngayong kongreso ang panukalang nagdedeklara sa February 1 ng kada taon bilang “National Hijab Day.”
Kasunod na rin ito nang pagkakalusot ng naturang batas sa House Committee on Muslim Affairs.
Layunin ng naturang panukala na itaas ang antas ng pang-unawa ng lahat tungkol sa tradisyon at kultura ng mga kababayan nating Muslim, partikular sa pagsusuot ng hijab sa hanay ng mga kababaihan.
Tiwala si Hataman na sa pamamagitan ng panukala ay mamumulat ang mamamayan sa kahalagahan ng pagsusuot ng hijab na isa ring instrumento para labanan ang diskriminasyon base sa relihiyon.
Binigyang-diin ni Hataman, dapat maiwasto ang maling kaisipan tungkol sa pagsusuot ng hijab at kailangan natin ng mas malalim na pang-unawa na ito ay simbolo ng dangal at dignidad ng mga Muslim.
Paliwanag ni Hataman, dahil sa paglaganap ng maling paniniwala ukol dito, ay madami ang hindi tinatanggap sa mga paaralan, hindi natatanggap sa trabaho, hindi pinagbebentahan sa mga tindahan, at hindi pinaparahan ng mga pampublikong sasakyan.