Iginiit ng isang mambabatas na kailangan nilang ibalik ang P1.56 billion cancer fund dahil ito raw mismo ang hirit ng mga doktor sa bansa.
Ayon kay Deputy Speaker and Batangas (6th District) Rep. Ralph Recto, ang line-item insertion ng P1.56 billion para sa dalawang cancer funds sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) ay malaking tulong sa milyong Pilipino na mayroong iba’t ibang uri ng cancer.
Ang desisyon daw nila ay resulta na rin ng multi-partisan, bicameral push.
Sa P 1.56 billion insertions, ang 1.054 billion na pondo ay para raw sa cancer prevention, detection, treatment at care na nakasaad sa Republic Act 11215 o ang National Integrated Cancer Control Act.
Partikular daw na mapupunta ang pondo sa procurement at delivery ng cancer, supportive care at palliative care medicines na sakop ang walong treatable cancer types.
Habang ang natitirang P500 million na nasa ilalim ng Cancer Assistance Fund ay gagamitin naman para sa cancer prevention, detection treatment, diagnostics at care para sa walong priority cancer types.
Ang assistance pool na puwedeng i-tap ng cancer patients ay mas malaki naman sa dalawang pinagsamang programang may P1.56 billion na pondo.
Mayroon din umanong P32.6-billion Medical Assistance to Indigent” at “Financially-Incapacitated Patients” sa 2023 GAA.
Ang P21.3 billion na pondo naman noong nakaraang taon ay i-a-administer ng Department of Health (DoH).
Sa isinagawang budget deliberation noong nakaraang taon, hinimok ni Department of Health Officer-in-Charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang Congress na ibalik ang line-item appropriations para sa dalawang programa.
Sinuportahan naman ni Recto si Vergeire at binigyang-diin na ang pagbabalik sa cancer fund sa national budget ay isa daw talaga sa mga order ng mga doktor na hindi nila kayang balewalain.
Base sa record, noong 2021, nasa 60,000 na mga Pinoy ang namatay dahil sa cancer.
Katumbas ito ng isang Pilipino na namamatay sa naturang sakit sa loob ng kada siyam na minuto.