-- Advertisements --

Dismayado ang mga kongresista sa hindi pagsipot ng Miru Systems Company Limited sa pagdinig ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms kaugnay sa paghahanda para sa automated Eleksyon 2025.

Sa pagdinig ng Komite ngayong Martes, dapat sana magkaroon ng “demonstration” ng Miru voting machines.

Ayon kay Committe Chairman Rep. Maximo Dalog, nag-kumpirma naman ang Miru ngunit hindi humarap sa pagdinig.

Ipinunto ni Rizal Rep. Emigdio Tanjuatco, importante ang presensya ng Miru.

Pinuna din ng mga mambabatas ang hindi pagdalo ni Commission on Elections Chairman George Garcia.

Inihayag naman ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, kailangang humarap ang Miru sa Kamara dahil na rin sa iba’t ibang alegasyon laban sa kanila, gaya na lamang ng naging aberya umano ng Miru sa mga nakalipas na eleksyon sa Congo at Iraq.

Punto ni Rodriguez, dapat manggaling sa Miru ang “assurance” o pagtitiyak na walang magiging problema sa ating midterm elections, at hindi totoo ang mga akusasyon.

Dagdag pa ni Sorsogan Rep. Wowo Fortes, kanyang sinabi na ngayong na-award na sa Miru ang kontrata para sa Eleksyon 2025, dapat ay present sila sa hearing at demonstration ng mga makina.

Ayon naman kay Dalog, susulatan ng komite ang Miru para atasan ito na magpaliwanag kung bakit hindi present sa pagdinig sa kabila ng kanilang kumpirmasyon.