KORONADAL CITY – Lubos ang pasasalamat sa Bombo Radyo ng isang maltreated OFW sa Dammam, Saudi Arabia matapos na ligtas na nakauwi na sa bayan ng Tboli, South Cotabato.
Personal na tinungo ni Ms Charmie Doming, 27 anyos, may asawa at dalawang anak ang himpilan ng Bombo Radyo upang magpaabot ng pasasalamat na tinulungan itong ma-rescue mula sa malupit nitong employer at makauwi sa bansa.
Ayon kay Doming, nagpalakas muna siya at tinapos ang quarantine bago pumunta sa himpila upang personal na ipaabot ang pasasalamat ng kanyang buong pamilya dahil kung hindi umano siya nagsumbong sa Bombo, hindi minadali ng Agency nito ang pagpapauwi sa kanya.
Matatandaan na noong Marso 26,2022 ay humingi ng tulong ang pamilya ni Doming dahil sa kondisyon nito.
Si Charmie ay sumuka ng dugo at halos hindi na magalaw ang katawan ngunit patuloy na pinatatrabaho ng kanyang employer.
Isang buwan din siyang pinatrabaho sa kaibigan ng employer nito dahil sa hindi umano sila magkaintindihan.
Doon niya naranasan na makulong sa loob ng bahay na walang pagkain kahit na tubig.
Tiniis niyang inumin ang tubig sa CR para lamang umano mapawi ang gutom at uhaw nito.
Matapos makapanayam ng Bombo si Doming at ina nito ay agad na kumilos ang Agency nito gayundin ang Polo-OWWA at iprinoseso ang pagpapauwi nito sa bansa.
Agad naman na binigyan ng exit visa ng kanyang employer si Doming at kinunan ng ticket pauwi sa Pilipinas.
Kaugnay nito, nanawagan si Doming sa OFW na gaya nito na maging matapang sa anumang hamon sa ibang bansa at makipag-ugnayan din umano sa Bombo sakaling may problema ang mga ito.